Matatag na Republika
Thursday, July 7th, 2005Bayan Ko
Original Tagalog lyrics by Jose Corazon de Jesus
Melody by Constancio de Guzman.
Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig ang sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.
At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.
Ibon mang may layang lumipad
Kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!
Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya!
Matapos mapakinggan sa radyo ang nilalaman ng Garci tapes, biglang sumagi sa isip ko ang kantang ‘to. Ni hindi ko na nakuhang magalit sa lantarang pangungupal ng mga politiko; basta nalungkot na lang ako sa kinahinantnan ng ating gobyerno.
Wala na ngang dayuhang mananakop ngunit nasasadlak pa rin ang bansa natin sa mga pasakit at kahirapan; sa mga kabulukang tayo rin ang may kagagawan. Mas mabuti pa nga siguro kung nagpasakop na lang tayo sa mga Amerikano noon. Kung ganun lang ang nangyari eh nagkaroon na siguro ng sistema ang ating pamunuan; hindi tulad ngayon na tayo-tayo na nga lang, di pa tayo magkaintindihan.
Ganunpaman, nananatili pa rin sa akin ang pag-asa ng magandang kinabukasan para sa Pilipinas. Sana lang ay nandito pa ako pag dumating ang panahon na yon. Kung kalayaan mula sa dayuhan ang laban ng ating mga ninuno noon, heto ang hamon sa atin ngayon — tunay na pagbabago at pagmamahal sa Inang Bayan.
Pangarap ko ang maunlad na Pilipinas at masaganang buhay para sa bawat Pilipino. Sana matupad ang pangarap ko.